By David M. Suyao
AGUSAN DEL SUR, Agosto 2 (PIA) -- Pinanguluhan nina Customs Commissioner Ruffy Biazon at Port of Cebu District Collector Edward La Cuesta noong Martes, Hulyo 30, 2013 ang pagsusuri sa mahigit P255 milyong halaga ng kontrabandong nahuli sa magkaibang petsa ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) mula sa intelligence Group (IG) sa pamumuno ni Director George Alino sa mismong daungan ng Cebu.
Ayon kay Biazon, gusto niyang personal na masuri ang 162,240 na sako ng kontrabandong bigas na nilalaman ng 312 na 20 talampakan na container van para ma check ang paghahanda sa nakatakdang pagsubasta sa darating na Agosto 7, 2013. Ang naturang bigas na isusubasta ngayong buwan ay bahagi ng 1,169 na container vans ng ilegal na imported na bigas mula sa Vietnam na nahuli ng mga operatiba ng IG sa Cebu noong Abril ng taong ito.
Ang isang lote na naglalaman ng 50 container van ng kontrabandong bigas ay naisubasta ng BOC at sila ay nakalikom ng P14.5 milyon na naging dagdag na kita para sa pamahalaan. Samantala, ang mga naka iskedyul na pagsubasta ng mga naiwang bigas ay pinaliban muna pagkatapos na magsabi ang National Food Authority na bilhin lahat ng bigas na nahuli ng BOC.
Samantala, sa pinakabagong sulat para kay Biazon, sinabi ng administrador ng NFA na wala silang tutol sa plano ng BOC na ipagpatuloy ang pagsubasta ng mga nahuling bigas sa daungan ng Cebu, dahil sa pagbaba ng kalidad ng nahuling bigas na nakaimbak sa mga pribadong bodega. Inaasahan ng pamahalaan na makalikom ng P245 milyon mula sa Agosto 7, 2013 na subastahan mula sa 312 na container vans ng kontrabandong bigas mula sa Vietnam.
Habang nasa Cebu, sinuri rin ni Biazon ang mahigit P10 milyon na iba’t ibang kontrabando na bago pa lamang nahuli ng mga operatiba ng ESS sa pamumuno ni Customs Police Major Camilo Cascolan. Kasama sa kontrabando na lumabag sa Section 2503 at 2530 ng Tariff and Customs Code of the Philipines (TCCP) ay ang tatlong yunit ng gamit nang Mitsubishi Colt na sasakyan at isang gamit nang Mazda Elf Truck mula sa Japan, isang yunit ng payloader mula sa China, pitong yunit ng motorsiklo mula sa China at Australia, limang yunit ng gamit nang speedboat mula sa Australia, dalawang yunit na gamit nang ambulansiyamula sa Japan at 80 drum na automotive gear oils.
Ayon kay Biazon ang pinakabagong mga nahuli na kontrabando sa Cebu ay resulta ng pinalakas na anti-smuggling at anti-corruption na kampanya, bilang tugon sa napuna ng pangulo na sukdulang korapsyon sa Bureau of Customs.
“Kung sakaling dahil sa maraming rason at nagkaroon ng kakulangan sa aming kampanya noon laban sa smuggling kahit ginawa namin ang lahat laban sa smuggling, hindi na namin ito inaasahan pagkatapos ng malakas na panawagan ng Pangulo para sa reporma sa loob ng BOC noong inihayag niya ang State of the Nation Address,” sabi ni Biazon.
Sa kasalukuyan, nananawagan si Commissioner Biazon sa lahat ng BOC District Collectors at sub-Port-Collectors na boluntaryong iwan ang kanilang poste para mabigyang daan ang darating na malawakang revamp sa BOC at ito ay dapat sundin ng lahat na 37 sup-port collectors at 15 sa 17 na District Collectors.
“Tulad noong una, ang aming anti-smuggling drive ay masinsinan at malawakan. Samantala ngayon, dahil sa panawagan ng Pangulo na linisin ang BOC sa mga corrupt na opisyal kahit sino pa ang kanilang tagapagtanggol, wala ng " sacred cows" sa loob ng BOC. Lahat ng mahuhuli na gumagawa ng patagong negosyo sa BOC ay ihahabla ayon sa batas,” sabi ni Biazon. (DMS/PIA-Agusan del Sur)