Tuesday, August 6, 2013

Lathalain: Dalawang basong gatas araw-araw, epektibo kontra malnutrisyon

Ni Celina Ann Z. Javier

Ang gatas ay kilalang mayaman sa calcium, protina, bitamina A, riboflavin o B2 at cobalamin o B12.

Importante ang pag-inom ng gatas di lamang sa mga sanggol at bata ngunit pati na rin sa matatanda.

Habang lumalaki ang mga bata ay nababawasan ang pag-inom ng gatas dahil natututo silang uminom ng juice, softdrinks at iba pang inumin. At pag naglaon ay maaring hindi na sila umiinom ng gatas.

Sa mga batang anim hanggang 12 taong gulang, ang gatas ay hindi popular na inumin.

Pinatunayan ito ng 2008 National Nutrition Survey (NNS) na isinagawa ng Food and Nutrition Research Institute ng Department of Science and Technology (FNRI-DOST), na nagsasabi na 3 porsiyento lamang ang gatas sa kabuuang kinakain ng mga batang edad anim hanggang 12 taong gulang.

Ang FNRI-DOST ay gumawa ng pag-aaral upang malaman ang epekto ng pag-inom ng gatas na fortified o dinagdagan ng iron, zinc, bitamina A at bitamina C sa lebel ng hemoglobin, zinc, bitamina A at C sa dugo ng mga bata, gayon na din sa taas at timbang nila. Ang mga pag-aaral na ito ay pinangunahan nina Dr. Imelda Angeles-Agdeppa at Dr. Trinindad P. Trinidad.

Tinatayang 141 na mga bata ang sumali sa pag-aaral at sila ay nasa edad anim na taong gulang.

Sa loob ng 120 na araw ay pinainom ang isang grupo ng mga bata ng dalawang basong gatas. Ang pangalawang grupo ay binigyan ng isang basong gatas at ang ikatlong grupo ng isang basong tubig.

Base sa resulta ng pag-aaral, ang pag-inom ng gatas ay nagpataas ng lebel ng zinc sa dugo ng mga batang uminom ng gatas.

Lahat ng grupo ng mga bata ay nagkaroon rin ng pagtaas sa bitamina C at hemoglobin sa dugo.

Nagkaroon din ng pagtaas sa bitamina A para sa lahat ng grupo ngunit hindi ganoon kalaki ang epekto nito.

Ang pagtaas ng bitamina C at A at hemoglobin sa dugo maging sa mga batang hindi uminom ng gatas ay maaring dala ng iba pang kinakain nila na hindi sinuri sa pag-aaral.

Samantala, tumangkad at bumigat din ang mga bata na uminom ng gatas.

Napag-alaman din na ang mga batang uminom ng dalawang baso ng gatas araw-araw ay mas tumangkad, bumigat at mas tumaas ang zinc sa katawan at hemoglobin sa dugo kaysa sa mga batang uminom lamang ng isang basong gatas.

Dahil sa mga resulta ng pag-aaral na ito, inirerekomenda ang pag-inom ng dalawang baso ng gatas araw-araw.

Ang pagdaragdag ng mga sustansya o pag-fortify sa gatas ay mabisang paraan din upang masagutan ang kakulangan sa nutrisyon ng mga bata.

Para sa karagdagan impormasyon tungkol sa pagkain o nutrisyon sumulat o tumwag kay: Dr. Mario V. Capanzana, Director, Food and Nutrition Research Institute, Department of Science and Technology, General Santos Avenue, Bicutan, Taguig City. E-mail: mcv@fnri.dost.gov.ph, Telefax: 837-2934 at 827-3164, 837-2071 local 2296 o bisitahin ang aming website: http://www.fnri.dost.gov.ph.(FNRI-DOST S & T Media Service/PIA-Caraga)