Wednesday, August 7, 2013

Lathalain: Food label, ating basahin

Ni Ma. Idelia G. Glorioso

Nagbabasa ka ba ng food label kapag namimili sa grocery or sari-sari store?

Ano ba ang mas pinahahalagahan mo - ang brand ba, ang presyo o ang sustansyang taglay ng pagkain o produkto?

Siyempre, nangunguna sa ating tinitingnan ay ang ang presyo ng produkto kapag tayo ay namimili.

Pero, hindi natin dapat isantabi ang mga sustansiyang taglay ng pagkain. Saan natin makikita ang impormasyong ito? Saan pa, kundi sa label ng pagkain.

Mahalaga ang label ng mga pagkaing ating binibili hindi lang para madali nating matandaan ang isang produkto, kundi para malaman natin kung ano ang kabutihang dulot nito sa ating kalusugan.

Ano ba ang mga impormasyong nilalaman ng isang food label?

Unang makikita sa label ay ang pangalan ng produkto kung saan nakasaad ang may-gawa ng naturang produkto at ang kanilang address.

Mahalaga ang pangalan at address ng gumagawa ng produkto para kung sakaling may hindi magandang epekto sa ating katawan ang isang pagkain o kaya ay ma-food poison o malson tayo, alam natin kung sino ang puwede nating puntahan.

Makikita rin natin sa food label kung gaano karami o ano ang timbang ng pagkaing ating binibili at kung ilang tao ang pwedeng makinabang dito.

Ang pinaka-importanteng bahagi ng food label ay ang nutrition facts ng isang pagkain.

Ang nutrition facts o ang nutrition label ang tumutukoy sa mga impormasyon na may kinalaman sa mga sustansiyang taglay ng isang pagkain.

Halimbawa ng nakasulat sa nutrition facts ay kung gaano karaming enerhiya, protina, taba, fiber, bitamina, mineral o iba pang sustansiyang taglay ng pagkain.

Mahalaga ang nutrition facts para alam natin kung sapat ba ang sustansiyang taglay ng isang pagkain para tugunan ang pangangailangan ng ating katawan.

Makatutulong din ang nutrition facts para sa mga tao na gustong limitahan ang konsumo nila ng taba, sodium, asukal o iba pang mga sangkap o ingredients, lalo na ang mga diet-conscious at mga taong may lifestyle diseases tulad ng diyabetes, sakit sa puso at kanser.

Alam ba ninyo na hindi lang ang mga mamimili ang puwedeng makinabang sa mga food labels na ito?

Ang mga food companies ay makikinabang din sa paglalagay ng tamang food labels sa kanilang mga produkto.

Ang mga food labels kasi ay maaaring maging insentibo ng mga food companies para lalo pa nilang pagbutihin ang kalidad ng produkto lalo na ngayon na health at nutrition-conscious na rin ang maraming mamimili.

Kaya naman sa mga mamimili o consumers, huwag po tayong basta bumibili ng isang produkto na dahil sikat o kilala ang brand, mas mura o inendorso ng mga sikat na artista.

Kailangan tignan mabuti ang food label upang malaman kung may sapat sustansiya ang produkto na tutugon sa pangangailangan ng ating katawan.


Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pagkain at nutrisyon, makipag-ugnayan kay Dr. Mario V. Capanzana, Food and Nutrition Research Institute-DOST, Bicutan, Taguig, Metro Manila, Tel. No. 837-29-34 or 837-20-71 loc. 2287, FNRI-DOST, email: mvc@fnri.dost.gov.ph; website:http//www.fnri.dost.gov.ph. (FNRI-DOST S & T Media Service/PIA-Caraga)