Thursday, August 15, 2013

Tagalog news: Pondo laan para sa mga biktima ng bagyo handa na

By David M. Suyao

AGUSAN DEL SUR, Agosto 15 (PIA) -- Inaalam na ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang lahat ng mga naapektuhang lugar sa Northern Luzon na sinalanta ng bagyong Labuyo at sinabing mayroong nakalaang pondo para tulungan ang mga biktima, ayon sa Palasyo noong Martes. 

Ayon kay Presidential Spokesperson Abigail Valte sa isang press briefing sa Malakanyang nitong Martes na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay may naka-antabay na pondo na nagkakahalaga ng P160 milyon para maitulong sa mga naapektuhan na mga komunidad. 

“Ang naka-antabay na pondong ito ay nakalaan para sa Cordillera Administrative Region (CAR), mga rehiyon 1, 2, 3, 4A, 5 at 8,” sabi ni Valte. 

“Inihanda ng DSWD ang pondo bilang ayuda sa kahit ano mang sakuna sa mga nasabing rehiyon at ito ay dagdag sa perang nasa kamay na ng pamahalaang lokal,” sabi ni Valte. 

Bilang paunang hakbang, ang DSWD-CAR ay naghanda na ng 5,163 na family packs, 200 sakong pagkain at kagamitan sa DSWD Baguio field Office. 

“Sa iba pang lugar, ang Armed Forces of the Philippines ay patuloy na nagtatrabaho kasama ang iba pang ahensiya sa paglilinis ng mga kalsada partikular na sa lungsod ng Baguio. Sila ngayon ay nagtulong-tulong sa paglilinis at sa pagbabalik ng kuryente sa ilang naapektuhang lugar,” sabi ni Valte. (PIA-Agusan del Sur)