Wednesday, September 25, 2013

Tagalog news: Pangulong Aquino buo parin ang tiwala sa Chief of Staff

Ni David M. Suyao

AGUSAN DEL SUR, Set. 24 (PIA) - Sinabi ng Malakanyang noong Lunes na nananatili pa rin ang tiwala ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa Chief of Staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) na si Heneral Emmanuel Bautista.

Sa isang pakipanayam sa mga mamamahayag sa Malakanyang, sinabi ng tagapagsalita ng Pangulo na si Edwin Lacierda na “walang problema” ang pamunuan ng AFP at itinuro ang tugon ng pwersa ng seguridad sa mapanganib na sitwasyon, partikular na ang kasalukuyang sigalot sa lunsod ng Zamboanga kung saan nakipaglaban ang mga sundalo ng pamahalaan laban sa mga miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) – grupo ni Misuari. 

Sinabi rin ni Lacierda na responsible rin ang AFP sa madaliang pagtigil ng bagong sigalot sa Midsayap, North Cotabato pagkatapos na masagupa ng isang platoon galing sa Alpha Company ang hindi matiyak na dami ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) kahapon ng umaga.

“Nakita po natin ang tugon ng Armed Forces of the Philippines. Handa po sila tumugon sa Zamboanga City at ngayon handa po sila tumugon, at in fact tumigil na ang fire fight sa Cotabato laban sa BIFF,” sabi ni Lacierda.

“Walang problema magpahanggang sa ngayon ang pamunuan ng AFP Chief of Staff General Emmanuel Bautista. Buo ang tiwala ng Pangulo sa kanya,” dagdag ni Lacierda.


Ayon kay Lacierda, ang tropa na nagsagawa ng clearing operations sa Sitio Mirasol, Barangay Prolomugen, Midsayap, North Cotabato ay naka engkwentro ng di matinong bilang ng BIFF sa ilalim ng di kilalang pinuno mga bandang 8:30 ng umaga kahapon. (DMS/PIA-Agusan del Sur)